Site icon Migrante Netherlands

Mensahe ng Pakikiisa ng Migrante-Europe sa Pagkakatatag ng Gabriela-Germany

Mula sa Migrante-Europe, isang taas kamaong pagsaludo ang aking ipinapaabot sa mga kasapi at opisyales at mga panauhin at tagasuporta ng Gabriela-Germany sa araw inyong pagkakatatag.

Makasaysayan ang pagtitipon ninyong ito sa Berlin sapagkat ito ay simbolo ng inyong pagkakaisa na harapin ang hamon ng mga isyung kinakaharap ng sektor ng kababaihang Pilipino sa Pilipinas at sa ibang panig ng mundo.

Sa ilalim ng gobyernong US-Duterte, ang mga kababaihan ang isa sa mga sektor na apektado ng kanyang di-makatarungan, kontra-mamamayan at makadayuhang-interes na polisiya at pamamahala.

Sa dulo ng anti-drug war ng US-Duterte na walang pagrespeto sa karapatang pantao ng libu-libong mga biktima na inosente at suspetsado na pinagkaitan ng karapatang ipagtanggol ang sarili sa batas at hukuman ay halos mga mahihirap na mamamayan at marami sa kanila ay mga kababaihang nawalan ng asawa, anak at katuwang sa buhay.

Ang pabigat ng bagong buwis na isinabatas ng US-Duterte sa mamamayang Pilipino ay dagdag na pasanin para mga kababaihang malaki ang ginagampanan sa paghahanap-buhay at pagtugon sa mga batayang pangangailangan ng isang pamilya.

Dito sa Europe kabilang na ang Germany, ay maraming mga kababaihang Pilipino ang nakakaranas ng hindi-makatarungang pagtrato mula sa kanilang katuwang sa buhay, kasamahan sa trabaho at maging sa kanyang kinabibilangang komunidad.

Ang pagkakatatag ng Gabriela-Germany ay simbolo ng inyong kolektibong paglahok na gampanan ang tungkulin sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa katarungan, kapayapaan at ganap na kalayaan.

Mabuhay ang Gabriela-Germany!

Mabuhay ang mga kababaihang Pilipinong nakikibaka para karapatan at katarungan!

Mabuhay mamamayang Pilipinong nakikibaka sa para sa ganap na kalayaan at demokrasya!

Mabuhay ang sambayanan Pilipino!

Father Herbert Fadriquela
Chairperson
Migrante-Europe

Exit mobile version