Mayo Uno 2017
Via Teocrito 50 Angolo Via Cirenie 10, Milano
Isang maalab na pagbati mula sa Migrante Europe ang ipinapaabot ko sa lahat ng kasapi ng Migrante Milan sa inyong Ikalawang Kongreso. Akoy nagagalak at umaasang sa inyong pagtitipon, mahalagang mabalikan ninyo ang naging gawain ng inyong organisasyon at nagkakaisang mapag-usapan at planuhin ang susunod na mga hakbang sa inyong gawaing paglilingkod partikular sa migranteng Pilipino at sa buong sambayanang Pilipino.
Malaki ang naging papel ng Migrante Milan sa pagpapatampok ng mga isyung kinakaharap ng mga migranteng Pilipino sa ibat ibang panig ng mundo at mamamayang Pilipino sa ating bayan. Mula sa isyu na may direktang epekto sa ating mga migrante tulad ng “tanim-bala” at tahasang pagbukas ng mga “balikbayan boxes”, “travel tax at terminal fee” at tuwirang pagsingil ng SSS contribution sa mga Overseas Filipino Workers, ay naging aktibo rin kayo sa pakikiisa sa mamamayang Pilipino sa ating bayan lalo na sa mga kapatid nating katutubo sa kanilang pakikibaka para karapatan sa lupang ninuno; pakikibaka ng mga maralitang lungsod para sa karapatan sa trabaho at makatarungang sweldo at programang pabahay; at noong nakaraang ikalawa at ikatlong usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines dinala nyo ang tinig at inihapag ang hinaing ng migranteng Pilipino sa magkabilang panig.
Ang inyong napiling tema sa kongresong ito ay napapanahon. Ang inyong pagtitipon sa Pandaigidigang Araw ng Manggagawa ay nagpapatunay lamang sa inyong pagkilala bilang bahagi ng uring manggagawa. Akoy naniniwala na mas lalong hihigpit ang inyong pagkakaisa sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral sa ating panlipunang kalagayan at pagpapalalim sa ating pag unawa sa mahalagang papel ng migranteng Pilipino sa pangkalahatang hangarin ng sambayang Pilipinong makamtan ang ganap at tunay na kalayaan at panlipunang pag unlad ng ating bayan.
Hayaan nyong ibahagi ko sa inyo ang aral mula Ebanghelyo tungkol sa paglalakbay patungo sa Emmaus ng dalawang kaibigan ni Hesus na kanyang sinahamahan matapos na sya ay nabuhay na muli. Bagamat tinuruan sila ni Hesus habang sila ay naglalakad, hindi sya nakikilala ng mga eto maliban na lamang noong habang silay naghahapunan at pinagpiraso piraso niya ang tinapay at ibinahagi niya sa eto sa kanila.
Bilang mga kasapi ng Migrante Milan, samahan po ninyo ang ating mga kapwa migrante sa kanilang paglalakabay. Tulungan ninyo sila sa pag unawa sa ating kalagayan at lipunan at sa pag aaral sa mahalang papel ng mga manggagawang migrante sa panlipunang pagbabago at pag-unlad ng ating bayan. Subalit inyong pakatandaan mga kasama, na ang pag aaral sa kalagayan at sa lipunan ay hindi sapat. Mas madaling maunawaan ang mga aral at turo at kayo ay sumusulong kung ang mga eto ay nailalapat sa mga praktika at gawa.
Pagsumikapan nawa ninyong makikilala ang Migrante Milan bilang sentro ng paglilingkod sa mga migrante at mamamayang Pilipino. Maging katulad nawa ang Migrante Milan ng mga pinagpiraso pirasong tinapay upang abutin ang mas malawak na bahagi ng migranteng Pilipino sa Milan, sa Italya at maging sa buong Europa bilang ating mahalagang ambag sa pagsusulong at tagumpay ng pakikibakang Pilipino para sa ganap na kapayapaang nakabatay sa katarungan, pambansang demokrasya at kalayaan.
Mabuhay ang Migrante Milan!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Pilipinas!
Father Herbert Fadriquela
Chairperson
Migrante Europe
+447456042156