Home Events Mensahe ng pakikiisa sa Ika-4 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Filipino Domestic Workers Association-United Kingdom

Mensahe ng pakikiisa sa Ika-4 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Filipino Domestic Workers Association-United Kingdom

0
Mensahe ng pakikiisa sa Ika-4 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Filipino Domestic Workers Association-United Kingdom

Isang maalab na pagbati ang ipinapaabot ng Migrante Europe sa buong kasapian ng Filipino Domestic Workers Association-United Kingdom sa inyong ika-4 na anibersayo ng pagkakatatag. 

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga domestic workers sa isang maunlad na bansa katulad ng United Kingdom. Ang kalinisan ng bahay o opisina, masarap na pagkain sa hapag kainan at ang kasiguruhan may mag aaruga sa mga bata o may edad ng kapamilya ng inyong mga banyagang employer ay bunga ng inyong tapat na paglilingkod sa kanila. Ang inyong katapatan sa paglilingkod sa kanila ay nasusuklian din ng kanilang magandang pagtrato sa inyo, subalit hindi rin maikakailang may mga domestic helpers ding nakakaranas ng maltrato, di sapat ang sahod, walang pahinga at hindi tiyak ang kinabukasan sa trabaho. Bagamat mahirap ang kalagayang mawalay sa asawa, anak o magulang para mangibang-bayan at magligkod sa ibang pamilya, nagtiis kayo alang-alang sa inyong mahal sa buhay, na sila makaranas din ng pag-unlad at kaginhawahan. 

Sa kabila ng inyong ambag sa pag-ulad ng ekonomiya ng mga mayamang bansa katulad ng United Kingdom, napakabulnerable ang kalagayan ng mga domestic workers lalo na yong mga walang legal na batayan para tumira at magtrabaho sa UK mula sa banta ng deportation at kawalan ng kaukulang suporta mismo sa Embahada ng Pilipinas. 

Hindi matatawaran ang naging papel nating mga migrante at ng ating mga pamilya sa pagkakaluklok ng Pamahalaang Duterte sa poder ng Malacanang. Nangampanya tayo, nag organisa, bumoto at binantayan ang mga boto sa paniniwalang ang pamahalaan Duterte ay magbubukas ng pintuan para sa mga batayang panlipunang pagbabago sa ating bayan. Subalit, sa paglipas ng mga buwan, tila bingi ang Pamahalaang Duterte sa panawagan ng mamamayang Pilipino para sa mga pagbabagong tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at malayang pakikipagrelasyon sa ibang bansa. 

Patuloy pa ring hikahos at walang pag-aaring lupa ang mga mayorya sa sektor ng mga magsasaka na karamihan sa ating mga migrante ay nabibilang. Hawak pa rin ng dayuhan at iilang lokal na negosyante ang mga estratehikong establisemento sa ating ekonomiya. Ang edukasyon sa ating bayan ay nakatuon pa rin sa programang “labor-export” samantalang ang batayang pangangailangan ng mamamayan ay nagmumula pa rin sa ating mga karatig bansa. Hungkag ang pangako ni Pangulong Duterte na wala ng Pilipinong mapipilitang magtrabaho sa ibang bansa upang bigyang kaginhawahan ang pamilya, sapagkat patuloy pa rin ang libo-libong manggagawang Pilipinong lumilisan araw-araw upang makipagsapalaran sa ibang bansa.

Mga kasama, ng inyong Tema: “Muli nating panghawakan ang mga tagumpay..Palakasin ang hanay ng nga migranteng kababaihan sa United Kingdom!!!!!” sa inyong pagdiriwang ay napapanahon at makabuluhan. Kaisa ninyo ang Migrante Europe sa pagpupunyaging mapalakas pa ang inyong hanay at muling igiit ang ating mga batayang karapatan bilang manggagawa, bilang migrante, bilang Pilipino.

Sa pagtatapos nais ko pong ipaalala sa bawat isa na walang ibang maasahang magsusulong sa interes at kagalingan ng migranteng Pilipino kundi tayo ring mga migrante at mga kasamang may malasakit sa kapwa migrante at may tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa. 

Mabuhay ang Filipino Domestic Workers Association-United Kingdom!
Mabuhay ang Migrante-Europe!
Mabuhay ang Pakikibaka nga Sambayanang Pilipino para ganap at tunay na panlipunang pagbabago.

Father Herbert Fadriquela
Chairperson
Migrante-Europe
Email: [email protected]

Revd Fr. Herbert F. Fadriquela Jr.
Chaplain to the Filipino Community
Diocese of Leicester
Church of England
Mobile Number: +447456042156

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here