Nagkakaisang Pilipino sa Pransya
Pahayag ng Pakikiisa
May 27, 2017
Kaming mga migrante dito sa Pransya ay nagpapaabot ng simpatiya at pakikiisa sa mamamayan ng Marawi at sa buong sambayanang Pilipino. Malayo man sa bansang Pilipinas, hindi maalis ang aming pangamba para sa seguridad ng ating mga kababayan na naaapektuhan ng nagaganap na palitan ng putukan sa paggitan ng Maute group at militar. Mahigpit kaming nakikiisa hindi lamang sa mga taga-Mindanao bagkus ay sa lahat ng Pilipino saan mang sulok ng Pilipinas at sa buong mundo dahil ngayon mas kinakailangan ang pagbubuklod-buklod at hindi ang pagkakahati-hati.
Nais din naming ipahayag ang aming pangamba at umaapela sa mga kinauukulan na huwag umabuso sa kapangyarihan matapos magdeklara ng Martial Law sa buong kapuluan ng Mindanao. Masakit para sa aming mga migrante na malayo sa sariling bayan at mas lalo pang sumisidhi ang aming pangungulila at pangamba na makita na nadadamay ang mga ordinaryong mamamayan, lumikas sa kanilang tirahan at nanganganib ang kanilang kabuhayan at mismong mga buhay dahil naiipit sa nagaganap na sagupaan.
Kinikilala namin ang mabilis na naging aksyon ng Pangulong Duterte na bumalik ng bansa para alamin ang sitwasyon kasabay nito ay ang pagapela na masusi pang pag-aralan ang bawat kaganapan. Matiyak sana na hindi magiging daan ang pagdedeklara ng Martial law para tumaas ang bilang ng mga pagabuso sa karapatang pantao.
Para sa bawat Pilipino, nahaharap muli tayo sa panahon na kinakailangan ng masusing pagaaral sa bawat impormasyong lumalabas sa telebisyon at social media. Alamin ang tunay na ugat ng kaguluhan sa ating bansa. Balikan ang kasaysayan sa ugat ng pagkakaroon ng kaguluhan at terorismo at alamin ang malalim na kasagutan o solusyon.
Panawagan naming mga migrante ang pagkakaroon ng pangmatagalan at makatarungang kapayapaan sa bansang Pilipinas. Lupa para sa mga magsasaka at pambansang industriyalisasyon sa bawat mamayang Pilipino.
Marie Mercado Secretary General, NPSP Email: [email protected] Mobile No. (+33) 771808910 Revd Fr. Herbert F. Fadriquela Jr. Chairperson, Migrante Europe Chaplain to the Filipino Community Diocese of Leicester Church of England Email: [email protected] Mobile No. +447456042156 Ann Brusola Secretary General, Migrante Europe Email: [email protected] Mobile No. (+39) 3278825544