Aksyon sa serbisyong sosyal para sa mga Filipinong apektado ng lockdown at amnestiya para sa mga migranteng manggagawang walang papel ang panawagan ng Migrante Netherlands Den Haag sa pamahalaan ng Pilipinas at ng Netherlands upang matiyak ang kalusugan, kaligtasan at kagalingan ng mga mamamayan.
Malaki ang ambag ng mga migranteng Filipino sa pagsalba sa ekonomiya ng Pilipinas habang tinutulungan niya ang pag-inog ng mga industriya ng mga bansa kung saan sila ay nagtratrabaho.
Nananawagan kami sa embahada ng Pilipinas, sa bagong nakatalagang ambassador na si Jose Eduardo Malaya III, na tugunan ang pangangailangang pagkain at pinansyal para sa renta at iba pang pangangailangan ng mga Filipinong apektado ng lockdown. Mahirap mawalan ng tirahan laluna sa panahon ngayon ng taglamig. Gayundin ang pagtugon sa suportang sikolohikal para sa mga mamamayan upang mapangalagaan ang kanilang kalusugang mental.
Nananawagan kami sa pamahalaan ng Pilipinas, kay Pang. Rodrigo Duterte na pakinggan ang hinaing ng mga OFW at ang kanilang pamilya sa Pilipinas. Tigilan na ng pamahalaan ang walang habas na pagkukulong at pamamaslang sa mga lider-komunidad na tumutulong at tumutugon lamang sa pangangailangan ng mga pamilya ng migranteng Filipino at ang mga komunidad nito.
Nananawagan kami sa pamahalaang Dutch at European Parliament na bigyan ng amnestiya at tugunan ang panawagan sa regularisasyon ng mga manggagawang walang papel na iminungkahi ng April 28 Coalition kung saan kabilang ang organisasyon sa mga naghapag nito. Naninindigan ang koalisyong sa panahon ng krisis, lahat dapat ng sektor sa lipunan gaya ng mga manggagawang walang papel ay naaruga at nakakalinga. Sa minimum, panawagan naming mabigyan ng karampatang serbisyong medikal at makataong tulong-sosyal ang mga migranteng walang papel.
Ang pahayag ng pamahalaang Dutch tungkol sa “hard lockdown” sa Netherlands ay lubos na nakakabahala. Ito ay may malaking bigwas sa kabuhayan at kalagayan ng mga migranteng manggagawang Filipino.
Sa loob pa lamang ng panahon ng bahagyang lockdown, marami na sa mga Filipino ang nawalan ng trabaho, nawalan nang sapat na kita, at nawalan ng pagkakataong tuloy-tuloy na makatulong at masuportahan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Mula Marso ng taong ito ay maraming mga Filipino ang nawalan ng hanapbuhay dahil ang mga kumpanyang kanilang pinapasukan ay nagsara na. Kabilang dito ang mga nagtratrabaho sa hotel, restaurant, cafe, mga pabrika at mga maliliit na kumpanya.
Ang mga kargador at manggagawang mandaragat ay nawalan ng trabaho dahil tumigil ang biyahe ng mga barko at operasyon ng mga daungan. Ang mga inhenyero at trabahador sa konstruksyon ay nawalan din ng kabuhayan dahil ang mga operasyon sa oil drilling at mga proyekto sa construction work ay nagbawas ng empleyado o kaya ay lubusan nang tumigil. Gayundin ang kalagayan ng mga nagtratrabaho sa Schipol Airport at iba pang himpilan.
Stranded din ang mga au pair dahil may mga host family na pinapaalis sila. Hindi rin naman makapag-apply ang karamihang lumipat sa ibang bahagi ng Europa dahil hindi rin posible ang pagbiyahe at bihira rin ang pagbukas ng mga host family sa ibang bansa.
Apektado rin ang mga estudyanteng Filipinong nag-aaral dito dahil nawawalan ng pagkakataong makapagtrabaho ng parttime. Kahit ang mga iskolar ay nakakapos din ang kanilang allowance dahil na rin sa taas ng mga bilihin at bayarin sa bansa.
Ang lubos na apektado ay ang mga naglilinis-bahay at nag-aalaga ng mga bata at matatanda dahil ang mga household ay sarado na rin. Karamihan sa kanila ay mga walang papel at nasa lubos na bulnerableng kalagayan dahil sa kawalan ng benepisyong sosyal.
Nananawagan din ang Migrante Netherlands Den Haag sa mga ka-anak ng mga OFW sa kanilang pag-unawa dahil walang kapasidad ang karamihan upang makapagpadala ng suportang pinansiyal sa kanilang pamilya.
Panghuli, nananawagan ang Migrante Netherlands Den Haag sa lahat ng Filipino sa Netherlands at sa Europang pagbigkisin ang lakas, pagkakaisa at diwa ng tulungan upang maigpawan ang matinding hamong ito.
Nananawagan ang organisasyon na magsamasama ang lahat na manawagan sa pamahalaan ng Pilipinas at ng Netherlands upang tugunan ang pangangailangang sosyal ng mga apektadong kababayan at upang matiyak ang kanilang kalusugan, kaligtasan at kapakanan.
Ang Migrante Netherlands Den Haag ay organisasyon ng mga Filipinong nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga Filipino sa ibayong dagat at nagtataguyod ng tunay na kalayaan at pambansang demokrasya. Ang mga kabayang apektado ng lockdown ay maaaring dumulog sa Sagip Migrante para sa legal aid, medical aid, food at financial aid at ligtas na pagbabalik sa Pilipinas.
Sanggunian:
Joanna Lerio
Filipino community organizer
[email protected]
+31624617468