Sa ating mga panauhin, mga kaibigan, at sa mga delegado ng kongreso mula sa UK, France, Belgium, The Netherlands, Denmark, Germany, Austria, Switzerland, Sweden, Norway, at sa ating mga kababayan mula sa iba’t ibang syudad sa Italya, sa Milan, Florence, Mantova, Modena, Caserta Bologna at sa mga delegado mula sa iba’t ibang organisasyon sa Roma taas kamaong pagbati sa inyong lahat!
Benvenuti a tutti compagnie e amici…
Maraming salamat sa inyong tiwala na dito ganapin sa Roma ang unang pagtatatag ng asemleya ng tunay na alyansang nagdadala ng palaban at militanteng adhikain ng mga migrante sa Europa.
Makasaysayan ang buwan at taon na ito, una ginugunita natin ngayon ang Pandaigdigang araw ng Karapatang Pantao. At sa susunod na Linggo Nobyemre 18 ay ang Pandaigdigang araw ng mga migrante.
Bigyan natin ng mataas na pagpupugay ang mga kasamang nag alay ng buhay para sa bayan, gayundin din sa mga migranteng nag-alay ng kanilang buhay at sakripisyo para maitaguyod ang kanilang mga mahal sa buhay at pamilya..sa mga refugees na binawian ng buhay sa gitna ng karagatan upang takasan ang nagaganap na giyera at pampuitikang krisis sa kanilang mga bansa.
Hindi madali ang maging manggagawa sa ibang bansa, at hindi madali ang pagtatrabaho ng mga gawaing mabigat, marumi, mapanganib at higit sa lahat ang mahabang oras na pagtatrabaho. Sa araw-araw halos nahaharap tayo sa mga ganitong uring kalagayan, at minsan pa hindi natin alam kung ang buhay natin ay may kasigurahan na makakauwi tayo ng ligtas sa ating mga tirahan.
Sa kabila ng ganitong samu’t saring dinaranas natin bilang mga manggagawa sa ibayong dagat, heto tayo ngayon nasa Roma, binigyan natin ng panahon ang isang napakahalagang pagtitipon bilang mga representante ng iba’t ibang organisayon, na karamihan ay mula pa sa malalayong lugar sa europa. Sinakripisyo natin ang ilang araw upang maging bahagi ng pagtatatag ng isang alyansa na matagal ng minimithi at pinapanawagan ng ating hanay, ang Migrante sa Europa.
Nawa’y ang araw na ito ay maging mabunga, matagumpay at makapagbigay pa lalu ng inspirasyon sa ating mga kababayan na ipagpatuloy ang paglilingkod, na lalu pang maging determinado sa kanyang pagdepensa sa mga lehitimong karapatan at kagalingan ng mga migrante at sa kanyang pamilya.
Maraming Gawain, maraming dapat harapin , sa darating na mga araw simula ngayon mas lalo nating paigtingin, mas lalo nating palakasin, at mas lalo nating patatagin ang ating pagkakaisa. Isisilang sa araw naito ang isa na namang gagawa ng istorya sa hanay ng Migrante.
Isulong ang palaban, militante at progresibong Organisasyon
Migrante united will never be defeated!
Mabuhay ang unang pagtatag ng assembleya ng Migrante Europe. Mabuhay ang Migrante Europa!