Statement of Migrant Workers in France #SONA2017

0
347
Isang taon matapos ang unang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, kaming mga migrante dito sa Pransya ay nananatiling nakaantabay sa ganap na pagbabagong ipinangako ng bagong administrasyon.
Malayo man sa bansa, kasama kami ng sambayanang Pilipino na nakatutok upang makinig sa ulat ng Pangulo sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. At katulad ng iba pang sektor ng lipunan, umaasa kami na ang mga migrante ay mabibigyang pansin din sa SONA at maging tapat ang gubyernong Duterte sa mga ipinangako nito para sa amin at sa aming mga pamilya.
Sa kasalukuyan, nakakapangamba ang balitang may babayarang ₱700 piso para sa bagong lunsad na iDOLE OFW card. Bagama’t tiniyak ni Sec. Bello ng Department of Labor and Employment na libre ito. Hindi maiaalis ang pangamba ng OFW hanggat hindi pa nailalabas ang implementing guidelines sa pagkuha ng OFW card. Kung susumahin, aabot sa ₱5 bilyon ang makukulekta ng gubyerno kapag pagbayarin ng OFW ID card ang mahigit 10 milyong Pilipino na nagtratrabaho sa ibang bansa. Dapat na ilaan ito para sa benepisyo ng migranteng Pilipino.
Naghihintay pa rin ang bawat migrante ng tapat na serbisyo mula sa gobyerno, na pagsilbihan ang interes ng migrante at ng kanyang pamilya. Bawat migrante ay nagaasam pa ring makapiling ang kanilang pamilya, makauwi sa bansa na may disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod. Sa nagaganap na kaguluhan at karahasan sa bansa, malawakang korupsyon, kawalan ng sariling lupang sasakahin, hindi mapigilang labor contractualization, kawalan ng trabaho, napakababang pasahod, napakataas na presyo ng batayang bilihin at patuloy na pagsira sa ating likas na kayamanan, malayo pa ang inaasam na makauwi ang migranteng Pilipino.
Kaya naman nananawagan kami kay Pangulong Duterte na mahigpit na tutukan ang paglutas sa mga ugat ng kahirapan at kaguluhan sa bansa, upang sa gayon ay maramdaman ng bawat Pilipino ang inaasam na pagbabago. Nananawagan din kami sa kapwa migranteng Pilipino na patuloy nating itulak ang ating mga interes at kahingian sa gubyernong Duterte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here