TUNAY NA PROTEKSYON, HINDI PANGONGOTONG !

0
326

UMANGAT-MIGRANTE ROME STATEMENT RELEASE

Ang UMANGAT-MIGRANTE Roma ay mahigpit na tumututol sa panibagong pahirap ng rehimeng Duterte sa ating mga ofw sa pagpapatupad nito ng POEA Governing Board Resolution No. 4 (GRB 4-2018) na nag-uutos ng mandatory insurance.

Sa resolusyong ito, ipinapasa ng gobyerno ng Pilipinas sa mga pribadong sektor ang kanyang responsibilidad sa pagbibigay ng serbisyo at proteksyon sa mga ofw. Hindi pa lubos na nasiyahan sa pangingikil sa mga bagong migranteng manggagawa, kating-kati naman ang kamay nito na maipahigop sa mga pribadong insurance provider ang bilyun-bilyong pisong kikitain mula sa mga re-hire na mga migrante.

Sa pamamagitan ng US $144 na masisingil sa mandatory insurance sa bawat re-hire na manggagawa, tinatayang kikita ang mga POEA-accredited insurance provider ng Php 7.6 bilyon bawat taon, batay sa datos na halos isang milyong re-hire na mga migranteng manggagawa ang naideploy nitong nakaraang taon. Hindi pa kasama rito ang koleksyong kukuhain sa mga baguhang migranteng manggagawa. Walang pagdududang maihahambing ito sa isang malaking panghoholdap!

Sa karaniwang kaso, ang mga karagdagang singilin na ito ay mauuuwi lamang bilang salary deduction o di kaya’y isa sa mga naglolobohang singilin ng mga recruitment agencies. Kundi man mabagal ang pagproseso, kadalasa’y hindi na nila natatanggap ang kanilang mga claims. Sa kalauna’y ang mga ofw pa ang muling magagastusan sa pagyao’t parito na pag-aasikaso sa napaka-burokratikong proseso ng paglalakad nito.

Ang POEA GRB 4 ay walang pagsasaalang-alang sa ilang mga bansa. Sa Italya, ang mga migranteng manggagawa ay kabilang sa programa at batas sa paggawa. Bagama’t nakabatay sa permit to stay, humigit-kumulang ay tinatamasa ng isang regular na manggagawang migranteng Pilipino ang iba pang mga benepisyong ibinibigay sa isang karaniwang manggagawa. Ang resolusyong ito ng POEA ay magsisilbi lamang na karagdagang pasanin sa balikat ng mga employer sa dahilang nagbabahagi na sila ng pagbabayad sa kontribusyon ng manggaggawa nito sa INPS (katumbas ng ating SSS). Sa pinakamalala, ang dagdag-bayarin na ito ay maaaring ipasa ng employer sa kanyang manggagawa.

Tila hindi pa sapat ang pahirap sa ofw at ng kanyang pamilya sa pagtaas ng mga bilihin at dagdag na gastusin dulot ng TRAIN. Dinagdagan pa ang pagpapahirap sa paggamit sa POEA bilang tagapagpiga ng pribadong tubo ng mga burukratang namumuno rito na may pakinabang at o tuwirang koneksyon sa mga partner na insurance companies.

Kung ang pangulo ay tunay na naglilingkod para sa interes nating mga ofw, tulad ng kanyang pagmamarali, hinahamon natin ang pamahalaang Duterte na i-scrap ang POEA GBR 4-2018 at ganap na harapin ang responsibilidad nito na proteksyunan ang karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawang Pilipino at ang kanilang pamilya. Itigil ang walang habas na pandarambong ng mga malalaking korporasyon at itaguyod ang interes at kagalingan ng mga migranteng Pilipino.

Ibasura ang POEA GBR 04-2018!
Serbisyo hindi negosyo! Proteksyon hindi koleksyon!

Ugnayan ng Migranteng Manggagawa Tungo sa Pag-unlad
(UMANGAT MIGRANTE), Rome, Italy
Contact information:
Rowena Flores Caraig – email: [email protected]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here