Ibangon at buhayin ang naghihingalong demokrasya

0
351

Ang mga balangay ng organisasyong MIGRANTE at pamilya nito kabilang ang iba pang mga kababayan sa Italya ay mariing tumututol sa mala-BATAS MILITAR na pamumuno ng pasistang rehimeng Duterte sa Pilipinas, batay sa katibayan ng malalaking paglabag sa karapatang pantao laban sa mga maralita, lumalaking bilang ng extra-judicial killings (EJKs), at ang malawak na represyon laban sa mga tagapangtanggol ng karapatang pantao at laban sa kanyang mga kritiko.

Sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, nalugmok ang Pilipinas sa pinaka malubhang krisis sa karapatang pantao mula ng matapos ang diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. (1971-80). Kamakailan lamang, itinulak niya ang mga mambabatas na palawigin ang batas militar sa Mindanao. Upang makapanghikayat, lumikha ng eksenang pambobomba sa Mindanao, ibinintang at nagsampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga progresibong grupo na sa kalauna’y napatunayang isang panlilinlang. Nagpakulong ng mga kilalang kritiko sa kanyang gobyerno at nag utos ng pagdakip ng walang warrant na minsan nang nangyari sa kasaysayan nuong panahon ng diktaduryang Marcos.

Nuong 2017,sa pangunguna ng kanyang mga masugid na alyado,tinanggalan ng budget ang Commission on Human Rights bilang pagganti nito sa mga pagsisikap na imbestigasyon sa kampanya laban sa droga. Sa harap ng matinding pandaigdigang pagbatikos, ginamit ng administrasyong Duterte ang taktika ng pagtanggi, sa kabila ng mga malaganap at dokumentadong ulat ng midya at ng iba’t ibang grupong pangkarapatang pantao sa mataas na bilang ng pagpatay na nag-uugnay sa gera ni Duterte laban sa droga bilang pangunahing dahilan. Ang kanyang “War on Drugs” ang kumitil sa buhay ng tinatayang 12 libong tao na karamihan ay mga maralita at inosenteng kabataan.

Sa ilalim ng diktadurya ni Duterte ayon sa grupong KARAPATAN, mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017, umabot na sa 113 ang kaso ng EJK, 222 ang tangkang EJK, 256 ang iligal na pag-aresto at pagkulong, 924 ang iligal na pag-aresto , 426,170 ang sapilitang paglikas dulot ng militarisasyon, 29,623 kaso ng paggamit ng mga militar sa pampublikong lugar at 624,617 ang kaso ng walang patumanggang pamamaril at pambobomba sa mga sibilyan. Ang mga ulat na ito ay patuloy na tumataas hanggang sa kasalukuyan dulot ng hindi masawatang mga paglabag.

Minamadali at ipinipilit ang Pederalismo sa pamamagitan ng pagbabago ng ating konstitusyon, sukdulang makipag-alyansa ang pamahalaang Duterte sa mga korap at tanyag na tagapaglabag ng karapatang pantao tulad ng mga Marcos at ni Gloria Macapagal Arroyo na sapilitang naging presidente ng mababang kapulungan. Sa kabila ng makailang ulit na pagpapahayag sa publiko ng kanyang pagbibitiw, mariin naman niyang iniendorso si Bongbong Marcos bilang kahalili niya na wala nang pagsasaalang-alang sa konstitusyon.
Ang pag-aasta ng rehimeng ito na kampion ng soberanya ng Pilipinas ang siya mismong nagbenta nito sa Tsina sa usapin ng West Philippine Sea. Binalewala ang nakamit nating tagumpay sa International Court of Arbitration na nagdesisyon na ang mga naturang teritoryo ay saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ), kapalit ang mga kaduda dudang pautang at mga kasunduan sa pagbili ng mga armas.

Tinahak ni Duterte ang paraang pagpapatahimik sa kanyang mga kalaban sa politika at mga kritkiko sa halip na giyahan ang sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa. Sa ilalim ng kanyang rehimen lumobo sa 6.4 % ang implasyon nitong Agosto, pinakamataas sa buong Asya. Ibig sabihin nito, ang kalakal na nagkakahalaga ng P 100 ay ngayo’y P 106 na. Ang halaga ng piso ay umabot sa P 54 kontra USD 1, higit na humina ng tulad ng 13 taong nakalipas. Ayon sa IBON Foundation, isang indipendenteng organisasyon sa pang-ekonomiyang pananaliksik, tinatayang ang pinakamahirap na anim na decile (isa bawat ika-sampung hinating bahagi) ng pamilyang Pilipino na may buwanang kita mula P 724 hanggang P21,119 ay dumaranas ng pagkawala ng kita mula P455 hanggang P 3,781 bunga ng implasyong dulot ng batas sa buwis na TRAIN mula lamang Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Ibayong pagkalugmok ng mga karapatan ng mga manggagawa ang hatid ng patuloy na kontraktwalisasyon sa harap ng kanyang mga inutil na pangakong wawakasan niya ang kontraktwalisasyong sa bansa. Sa halip na isakatuparan sana ang Pambansang Industriyalisasyon na lilikha ng matatag at matagalng hanapbuhay at malutas ang pwersahang migrasyon, ipinagmamayabang pa niya ang bilyong ekonomikong kapalit sa bawat bansang kanyang pinupuntahan, na wala namang ibang layunin kundi higit pang pahigpitin ang pangangalakal ng lakas paggawa nating mga Pilipino.

Wala ring humpay ang mga militar sa kanilang patuloy na pagtugis sa mga Lumad at iba pang mga katutubo sa ating bansa upang pagsilbihan ang operasyon ng mga dambuhalang mga korporasyong internasyunal sa pagmimina na walang ibang hangad kundi ang ganansya at tubo sa kapinsalaan naman ng pag-unlad ng mga mamamayan. Gayundin ang pag-aaruga nila higit sa mga malakihang pagtrotroso at malawakang mga plantasyong pang-eksport na kalakha’y pag-aari ng mga dayuhang monopolyong multinasyunal.
Ang diktadurya ni Duterte ay pagbabadya ng pagpatay sa demokrasya ng ating inang bayang Pilipinas.

TUTULAN ANG MALA-BATAS MILITAR NA DIKTADURYA NG REHIMENG DUTERTE!
LABANAN ANG TIRANIYA! ITAGUYOD ANG DEMOKRASYA!
ITIGIL ANG PAMAMASLANG!

MIGRANTE CHAPTERS IN ITALY
(ROME, CASERTA, FIRENZE, BOLOGNA, MILAN, COMO AND MANTOVA)
For references:
E-mail: [email protected]
[email protected]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here