Nagkakaisang Pilipino sa Pransya
02 Agosto 2018
Ipinapaabot namin ang aming pagkundena sa naganap na marahas na dispersal at pagaresto sa mga manggagawa ng NutriAsia Inc. noong July 30, 2018 sa kanilang picketline sa Marilao, Bulacan. Marami ang nasugatan sa naturang insidente kabilang na si Leticia Espino at labingsiyam ang iligal na inaresto kabilang dito ang limang mamamahayag.
Pebrero pa noong ipinagutos ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa NutriAsia na gawing regular ang mahigit sa 900 na manggagawa nito matapos mapatunayan na ang kumpanya ay pumasok sa labor-only contracting practice. Naitala ng DOLE na lumabag ang NutriAsia sa iba pang labor laws at general labor standards kabilang na ang iligal na deduction para sa uniporme ng mga manggagawa at iba pang underpayment sa kanilang regular na sahod.
Dahil sa hindi makatarungang kalagayan sa pagtratrabaho, kontraktwal na estado, mababang pasahod at iligal na pagtanggal sa 50 empleyado ng NutriAsia, pumutok ang welga ng mga manggagawa na pinangunahan ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia o NMN noong June 02, 2018. Nagpipiket sila upang mapakinggan ang kanilang mga panawagan na maging regular sa trabaho.
Kami sa Nagkakaisang Pilipino sa Pransya (NPSP) ay sumusuporta sa pakikibaka ng mga manggagawa sa NutriAsia dahil hindi rin ito nalalayo sa aming konkretong sitwasyon na naghahangad na magkaroon ng regular na estado sa ibang bansa at makilala ang aming pagtatrabaho at ambag sa lipunan.
Nananawagan kaming gawing regular ang mga manggagawa ng NutriAsia at mapanagot ang mga security personnel at ang Philippine National Police (PNP) na magkasabwat sa marahas na dispersal. Dapat ding managot ang mismong NutriAsia Inc. sa kanilang makahayop na pagsasamantala at pagmamalupit sa mga manggagawa.
Mabuhay ang mga manggagawa ng NutriAsia!
Mabuhay ang mga Migranteng lumalaban at nakikiisa!
Mabuhay ang nakikibakang Pilipino saan man sa mundo!