Hustisya para sa 11 migranteng Pilipino na biktima ng pang-aabuso at eksploytasyon ng Saints and Stars Gym!

0
1026
Screenshot mula sa official video statement ng Saints & Stars Gym hinggil sa isyu

Mariing kinokondena ng Migrante Netherlands ang panlilinlang, pang-aabuso, at sistematikong eksploytasyon na ginawa ng Saints and Stars Gym laban sa di-bababa sa 11 na Pilipinong migranteng manggagawa sa Netherlands.

Sa halip na magpakita ng pananagutan, pilit ngayong binabaluktot ng may-ari ng kumpanya na si Tom Moos ang mga katotohanan, sa pamamagitan ng isang video kung saan ipinapahiwatig niyang hindi raw sila nabigyan ng pagkakataong sagutin ang mga paratang sa lumabas na artikulo sa Het Parool at sa report mismo ng Dutch Labor Inspectorate (Arbeidsinspectie). Ngunit malinaw sa nasabing ulat ng Het Parool na ilang ulit siyang hiningan ng panayam ng mamamahayag, ngunit tumanggi siya. Ang pahayag niyang “hindi sila nabigyan ng pagkakataon” ay isang tangkang iligaw ang atensyon ng publiko sa halip na sagutin ang seryosong mga akusasyon laban sa kanila.

Mariing naming pinabubulaanan ang kanyang pahayag na ang “mga cleaners ay nasa sentro ng aming ginagawa.” Kung totoo ito, bakit nila tinanggap ang mga manggagawa nang walang malinaw na kontrata, walang kasulatan ng sahod, at lahat ng komunikasyon ay ginawa lamang sa WhatsApp? Bakit sila pinilit magtrabaho ng hanggang 16 oras kada araw, 6–7 araw kada linggo, sa mabibigat na kalagayan na kabilang pa ang paglilinis ng personal na bahay ng may-ari? Bakit sila pinagsisigawan at agad tinatanggal sa trabaho kapag sila ay nagtangkang magreklamo?

Ang pagtanggap ni Tom Moos na “baka may mga pagkakamali silang nagawa” ay isang desperadong pagtatangkang itago ang tunay na intensyon nilang samantalahin at pigain ang lakas-paggawa ng mga migranteng Pilipino sa pamamagitan ng mga di pormal, walang seguridad, at walang pananagutang ugnayan sa paggawa. Ang kawalan ng kontrata, kabayaran sa sahod na hindi buo, at siksikang tirahan kung saan apat hanggang limang katao ang pinagtutuluyang sa isang maliit na kwarto ay patunay ng sinadyang pagsasamantala.

Hindi ito simpleng “pagkakamali” kundi isang planadong modelo ng pananamantala. Lalong lumilinaw ito dahil partikular nilang tina-target ang mga Pilipinong manggagawa—isang sektor na alam nilang mahina ang proteksyon, walang sapat na suporta mula sa gobyerno ng Pilipinas, at desperado sa trabaho.

Hindi sapat ang pahayag ng Saints and Stars na nais nilang magsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon. Ang panawagan namin ay isang malaya, masinsinan, at masaklaw na imbestigasyon ng gobyerno ng Netherlands sa buong operasyon ng Saints and Stars. Maaaring hindi ito limitado sa isang branch lamang, kundi isa nang regular na praktis sa iba pang sangay ng kanilang gym chain. Marahil ay mas marami pang manggagawa (Pilipino man o iba pang lahi) ang biktima ng ganitong sistema ng pagsasamantala.

Binanggit din ni Tom Moos sa nasabing video na may plano silang magtatag ng isang foundation upang labanan ang labor exploitation sa Netherlands. Isa itong malinaw na pagtatangkang pabanguhin ang kanilang pangalan. Sa halip, dapat na tuparin ng Saints and Stars Gym ang kanilang mga pinangako sa mga manggagawa: siguraduhin ang work permit ng mga manggagawa, ibigay ang nararapat nilang bayad at benepisyo, at tumulong sa kanilang muling pagbangon.

Ang kaso ng Saints and Stars Gym ay may malinaw na mga elemento ng human trafficking at makabagong anyo ng pang-aalipin (modern-day slavery). Gamit ang panlilinlang sa recruitment, kawalan ng kontrata, at pagbibigay ng trabaho sa labas ng legal na proseso, nilagay nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng mga manggagawa.

Ang kalagayang ito ay hindi maaaring ihiwalay sa mas malawak na krisis ng malawakang migrasyon. Ito ay bunga ng matagal nang labor export policy ng gobyerno ng Pilipinas. Dahil sa kawalan ng lupa, trabaho, at kinabukasan sa bansa, napipilitang umalis ang milyun-milyong Pilipino sa pag-asang makahanap ng disenteng kabuhayan sa ibang bayan. Ngunit dahil dito, lalong nalalagay sa panganib ang mga migrante, na madalas ay nagiging biktima ng pananamantala at abuso.

Nakikiisa kami sa hanay ng mga migranteng manggagawang inabuso at biniktima ng Saints and Stars Gym. Dapat managot si Tom Moos at buong pamunuan ng Saints and Stars sa kanilang sistematikong pang-aabuso sa ating mga kababayan. Nanawagan kami sa gobyernong Dutch na litisin ang Saints and Stars Gym at magbigay ng karampatang suporta para sa mga apektadong manggagawa. Gayundin ang panawagan sa gobyerno ng Pilipinas na maglunsad ng karampatang imbestigasyon upang hindi na maulit ang sinapit ng 11 manggagawang Pilipino.

Hustisya para sa mga Pilipinong manggagawa na inabuso ng Saints and Stars Gym!
Wakasan ang makabagong anyo ng pang-aalipin!
Ipaglaban ang karapatan at dignidad ng mga migranteng manggagawa!
Trabaho sa Pinas, hindi sa labas!