Hustisya para sa Negros 19!

0
140

Mariing kinokondena ng Migrante Netherlands ang brutal na pagmasaker ng 79th IB ng Philippine Army ang 19 katao kabilang ang 9 na sibilyan sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental. Ang mga nasabing sibilyan ay kinabibilangan ng mga estudyante, mamamahayag, researchers, at ilang Filipino-American na organisador at aktibista na tumungo sa kanayunan upang intindihin ang mga pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid laban sa pagsasamantala at pangaapi.

Ang probinsya ng Negros ay matagal ng nakararanas ng lubhang kahirapan bunga ng pangangamkan ng malalawak na lupain ng mga panginoong maylupa at sa pagsasamantala sa mga magsasaka at manggagawang bukid ng mga tubuhan. Matataandaan noong 1980s ang tinaguriang Negros famine kung saan bumagsak ang presyo ng asukal sa merkado at dahil sa monopolyo sa tubuhan na pinayagan ng rehimeng Marcos. Nagdulot ito ng matinding kahirapan na nakaapekto sa higit 1 milyon katao sa Negros Island, kung saan 350,000 na bata ang dumanas ng matinding malnutrisyon at higit 190,000 na manggagawang bukid ang nawalan ng hanapbuhay.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi rin nabibigyan ng pansin ng pamahalaan ang pag-unlad ng kabuhayan ng mamamayan sa Negros kaya nananatiling kulang sa mga pampublikong paaralan, pagamutan, at iba pang social services na mahalaga sa kagalingan ng masa.

Ilan sa mga biktima ng military ay sina Alyssa Alano, isang lider-estudyante mula sa University of the Philippines Diliman, at si RJ Ledesma, isang community journalist na tumungo sa kanayunan ng Negros upang makisalamuha sa mga magsasaka at maintindihan ang pamumuhay nila.

Gayundin ang mga Filipino-American na mga organisador at human rights advocates na sina Lyle Prijoles at Kai Sorem, na nagpasiyang bumalik sa Pilipinas upang makisalamuha at maranasan ang lubos na kahirapan ng pamumuhay sa Negros kaysa sa maginhawang bakasyon sa ibang bansa. Marangal ang hangarin ni Lyle at ni Kai na bumalik sa kanilang inang bayan upang paglingkuran ang kanilang mga kababayan.

Pilit na kinakalat ng 79th IB ang naratibo nila na lahat ng minasaker nilang 19 katao ay diumano’y mga armandong NPA at diumano’y napatay sila sa isang lehitimong engkuwentro. Lumang tugtugin na ito ng militar at hindi kapani-paniwala ang kanilang paglalahad ng mga nangyari lalo sa harap ng mga ebidensyang lumabas mula sa autopsy ng mga katawan. Hindi rin tumutugma ang naratibo ng militar sa mga salaysay ng mga testigo. Ayon sa mga ulat, maraming biktima ang buhay pa nang sila’y mahuli at saka pinaslang.

Marami sa mga migranteng Pilipino ay mula rin sa Negros Island. Tinulak din sila ng kawalang trabaho at kawalan ng lupa sa Pilipinas upang maghanap ng kabuhayan sa ibang bansa katulad ng Netherlands. Hinihikayat namin ang mga kapwa namin manggagawang migrante na suriin at alamin ang ugat ng kahirapan sa Negros at sa buong Pilipinas kung bakit nangangailangan ng suporta ang mga masang magsasaka sa kanilang pakikibaka laban sa mga panginoong maylupa sa isla.

Sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomiya, ganito ang isinasagot ng gobyernong Marcos sa nakikibakang magsasaka sa kanayunan. Hindi lang inutil ang gobyerno sa pagtayo ng sapat na mga industriya at paglikha ng sapat na trabaho para sa mamamayang Pilipino, kundi tuluyang hinuhuthot pa ang kaban ng bayan ng burukrata kapitalista na nagtutulak sa kababayan nating mangibang bayan.

KATARUNGAN PARA SA NEGROS 19!
ITIGIL ANG MILITARISASYON SA KANAYUNAN!