Pasya ng Dutch authorities sa kaso ng Saints & Stars: Isang mapanganib na mensahe na pinapayagan nilang abushin at pagsamantalahan ang mga migranteng manggagawa

0
802

Ipinapahayag ng Migrante Netherlands ang matinding galit at pagkadismaya sa desisyon ng Openbaar Ministerie (OM) na nagsasabing walang naganap na labor exploitation o pagsasamantala sa kaso ng 11 manggagawang Pilipino na nalinlang, inabuso, at biktima ng human trafficking ng kumpanyang Saints & Stars Gym na nakabase sa Amsterdam.

Paanong hindi ito maituturing na pagsasamantala? Ang mga manggagawang Pilipino ay nilinlang upang bumiyahe patungong Netherlands sa pamamagitan ng mga huwad na pangakong bibigyan sila ng ligal na papeles at disenteng trabaho. Pagdating nila, sila ay pinagtrabaho ng hanggang 12 oras bawat araw nang walang maayos na pahinga, at ipinagsiksikan sa masisikip at hindi makataong tirahan na hindi angkop para sa sinumang manggagawa. Marami sa kanila ang nakaranas ng pagbabanta, takot, pisikal na pang-aabuso, at kahihiyan, habang pinagkaitan ng mga batayang karapatan at dignidad na ginagarantiya ng batas paggawa ng Netherlands at ng mga internasyunal na pamantayan ng karapatang pantao.

Higit pa rito, ang kaso ng Saints & Stars ay isang malinaw na kaso ng human trafficking. Ayon sa parehong batas ng Netherlands at internasyunal na batas, ang human trafficking ay nagaganap kapag ang mga tao ay nirerekrut, pinapabiyahe, at pinagtatrabaho sa pamamagitan ng panlilinlang o pamimilit para sa layunin ng pagsasamantala. Sa kasong ito, ang mga manggagawang Pilipino ay:

  • Nilinlang upang pumunta sa Netherlands sa pamamagitan ng huwad na pangakong pagkakalooban ng legal na dokumento at makatarungang sahod;
  • Kinontrol sa pamamagitan ng pananakot ng deportasyon, pagkumpiska ng kanilang mga pasaporte, kawalan ng legal na estado, at pagdepende sa employer para sa tirahan at kabuhayan;
  • Pinagsamantalahan sa pamamagitan ng labis na oras ng trabaho, kakulangan o kawalan ng bayad, at hindi makataong kundisyon sa pamumuhay.

Lahat ng elementong ito ay tumutugma sa kahulugan ng human trafficking na kinikilala ng Palermo Protocol at ng Dutch Criminal Code (Artikulo 273f). Ang pagtanggi na ang mga manggagawang ito ay biktima ng trafficking at pagsasamantala ay pagtanggi sa katotohanan kung paano umiiral ang modernong pang-aalipin, lalo na sa mga migranteng Pilipino na laging ginagawang biktima ng mga mapagsamantalang employer.

Ang pagpapawalang-halaga sa karanasang ito at pagsasabing hindi ito labor exploitation o human trafficking ay malinaw na pagwawalang-bahala sa tunay na kalagayan ng mga migranteng manggagawa na araw-araw ay pinagsasamantalahan ng mga abusadong employer at recruiter. Isa rin itong mapanganib na mensahe na ang mga migranteng manggagawa, lalo na yaong mula sa mahihirap na bansa, ay maaaring abusuhin, pagtrabahuhin nang labis, at patirahin sa di-makataong kundisyon nang walang pananagutan.

Nanawagan kami sa Openbaar Ministerie na i-reconsider ang kanilang posisyon at isaalang-alang ang mga testimonya, ebidensya, at power dynamics na likas sa mga kaso ng trafficking at labor abuse. Hindi maaaring ipagmalaki ng Netherlands na ito’y tagapagtanggol ng katarungan at karapatang pantao habang pinapayagan ang pagsasamantala sa mga migranteng manggagawa sa loob mismo ng kanilang bansa.

Kasabay nito, hinihingi namin sa gobyerno ng Pilipinas na agarang kumilos upang panagutin ang Saints & Stars sa kanilang mapang-abusong gawi sa paggawa. Dapat nitong bigyan ng proteksyon, tulong legal, at buong suporta ang mga biktimang manggagawa, at tiyaking makakamit nila ang hustisya.

Nanawagan din kami sa mamamayang Dutch, sa mga unyon ng manggagawa, at sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na makiisa sa aming panawagan para sa hustisya sa 11 manggagawang Pilipino at idemanda mula sa kanilang gobyerno na kumilos laban sa pagsasamantala at human trafficking

Ang mga migranteng manggagawa ay hindi kalakal. Kami ay mga tao na mayroong dignidad, at nararapat lamang na respetuhin, at makamit ang hustisya.

Hustisya para sa 11 manggagawang Pilipino!
Panagutin ang Saints & Stars!
Itigil ang pagsasamantala at human trafficking sa mga migranteng manggagawa!